Dagdag-sahod ng mga entry-level na guro, malabo pa sa ilalim ng 2025 budget

Malabo pang magkaroon ng dagdag-sahod ang entry level na mga guro sa mga pampublikong paaralan sa ilalim ng panukalang budget para sa susunod na taon.

Paliwanag ni Budget Secretary Amenah Pangandaman, natapos na nila ang budget proposal nang manungkulan si Education Secretary Sonny Angara.

Naipresenta na rin aniya ito kay Pangulong Bongbong Marcos at sa mga gabinete kung kaya’t hindi na natalakay ang tungkol sa adjustment ng entry level salary ng mga guro.


Ayon pa sa kalihim, kailangang dumaan sa Kongreso ang pagtataas sa entry level at dapat pa itong pag-aaralan ng Department of Education.

Gayunpaman, kasama naman daw aniya ang ibang public school teachers sa P70 billion na pondo para sa dagdag-sahod ng mga kawani ng gobyerno.

Ang sektor ng edukasyon din ang nakakuha ng pinakamalaking bahagi ng pondo sa 2025 budget na nasa P977.6 billion.

Facebook Comments