Monday, January 26, 2026

Dagdag-sahod ng mga government employees, matatanggap na ngayong buwan —Malacañang

Matatanggap na ngayong buwan ng mga kawani ng pamahalaan ang kanilang dagdag-sahod mula sa ikatlong tranche ng Salary Standardization, ayon sa Malacañang.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, nakabatay ito sa National Budget Circular No. 601 na inilabas ng Department of Budget and Management (DBM).

Paliwanag ni Castro, ang umento sa sahod ay alinsunod sa Executive Order No. 64, series of 2024, na ipatutupad hanggang 2027, na layong pagbutihin ang kalagayan ng mga empleyado ng gobyerno at palakasin ang civil service.

Ang halaga ng dagdag-sahod ay nakadepende sa salary grade ng bawat empleyado batay sa kanilang posisyon noong Disyembre 31, 2025.

Saklaw ng umento ang mga regular, casual, contractual, pati na ang mga appointee at halal na opisyal, part-time man o full-time, sa ehekutibo, lehislatibo at hudikatura.

Kasama rin sa makikinabang ang mga nasa constitutional commissions and offices, state universities and colleges, at mga government-owned and controlled corporations (GOCCs) na hindi saklaw ng RA 10149 at Executive Order No. 95, series of 2025.

Facebook Comments