Manila, Philippines – Hiniling nila ACT Teachers Rep. Antonio Tinio at France Castro na isama na sa 2018 national budget ang dagdag na sweldo ng mga guro.
Ayon kay Tinio, umaasa sila sa pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagkatapos ng increase sa sahod ng mga sundalo at pulis ay isusunod naman nito ang dagdag na sweldo sa mga public school teachers.
Nag-aalala ang mga mambabatas na hindi isinama sa Philippine-Development Plan para sa taong 2017 hanggang 2022 ang salary increase sa mga government employees kung saan mayorya dito ang mga teachers at non-teaching staff.
Sinabi ni Castro na tinututulan ng mga budget officers ng Pangulo ang dagdag na sweldo sa mga empleyado ng gobyerno dahil sinasabi ng mga ito na “too ambitious” ang hinihinging umento sa sahod at hindi underpaid ang mga guro.
Umaasa sina Tinio at Castro na isa ang salary increase para sa mga pampublikong guro sa buong bansa na babanggitin ni Pangulong Duterte sa kanyang ikalawang SONA sa July 24.