Manila, Philippines – Iginiit ng Makabayan bloc sa Kamara na sertipikahang urgent ni Pangulong Duterte ang House Bill 7787 o ang panukala na nagtataas sa P750 ang national minimum wage ng mga manggagawa sa bansa.
Ayon kay Anakpawis Representative Ariel Casilao, dapat na tuparin ni Pangulong Duterte ang naging pangako nito sa mga manggagawa noong panahon pa ng kampanya noong 2016 national elections.
Katwiran ni Casilao, pare-pareho lang naman ang gastos ng manggagawa kaya dapat na gawing pareho din ang minimum wage na natatanggap.
Naniniwala si Casilao na marapat lamang na isabatas ang P750 national minimum wage bill upang matugunan ang negatibong epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law gayun din ang patuloy na pagtaas na inflation rate.
Para naman kay Bayan Muna Party-list Representative Carlos Isagani Zarate, panahon na para ihinto ang pagbibigay pabor sa mga oligarchs sa bansa.