Manila, Philippines – Simula sa Enero 25 ngayong taon ay tataas na ang suweldo ng mga kawani sa pribadong sector sa Ilocos o Region 1.
Nakasaad sa Wage Order RB1-19 at Implementing Rules and Regulations na pagkakalooban ng 30 pesos umento sa sahod kada araw ang mga manggagawa sa Large Non-Agriculture and Commercial Fishing Establishments.
Habang ang mga kawani sa Medium Non-Agriculture Establishments ay tatanggap ng P20 bawat araw na dagdag sa suweldo, 13 pesos naman sa mga nasa sector ng Small and Micro Establishments and Agriculture Plantation and Non-plantation.
Ayon kay Regional Tripartite Wages and Productivity Board-1 Chair and DOLE-RO I Regional Director Nathaniel V. Lacambra, saklaw ng bagong wage order ang lahat ng manggagawa sa pribadong sector na tumatanggap ng minimum wage kahit na ano pa ang kanilang mga posisyon at kalagayan sa kumpanya.
Hindi kasali sa bagong wage order ang mga kasambahay, mga kawaning naka-empleyo para sa personal na serbisyo gaya ng mga family driver at manggagawa sa mga rehistradong Barangay Micro Business Enterprises o BMBE.
Dahil sa bagong Wage Order ang mga kawaning dating tumatanggap 243 pesos ngayon ay tatanggap na ng 280 pesos.