DAGDAG-SINGIL | Grab, naniningil ng P100 booking fee – PBA Party list Rep. Jericho Nograles

Manila, Philippines – Ibinunyag ni Bayaning Atleta Partylist Representative Jericho Nograles na naniningil na ang Grab Philippines ng booking fee na P100 sa kada biyahe ng kanilang mga unit.

Ayon kay Nograles, hindi ito otorisado ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Aniya, malinaw na nagsasamantala ang Grab sa pangangailangan ng publiko lalo at wala silang kalaban sa hanay ng Transport Network Companies (TNCs).


Paliwanag ni Nograles, para itago sa publiko ang dagdag singil ay naglalabas sila ng ilang mga promo tulad ng P100 discount na maiipon lamang ng isang pasaherong madalas gumamit sa serbisyo ng Grab.

Kasabay nito, hinamon ni Nograles ang LTFRB na bigyan ng mabigat na parusa ang Grab dahil sa kanilang ginagawang panlilinlang sa publiko.

Dagdag pa ni Nograles, aabot sa bilyong pisong halaga ng multa ang pwedeng singilin ng LTFRB sa Grab kung hahabulin lamang ang iligal na P2 per minute charge na sinisingil nila sa mga pasahero.

Facebook Comments