DAGDAG SINGIL | Presyo ng gulay galing hilagang Luzon, nagmahal pa!

Higit doble ang itinaas ng presyo ng mga gulay na mula sa hilagang Luzon na ibinebenta sa ilang pamilihan sa Metro Manila matapos manalasa ang bagyong Ompong.

Sa Balintawak Market sa Quezon City, nasa P400 na ang kada kilo ng repolyo na dating P100 habang tumaas sa P300 ang kada kilo ng petsay Baguio mula sa dating P70.

Ang talong na dating P50 ay mabibili na sa halagang P80 habang ang patola na dating P15 ngayon ay tumaas na sa P40.


Maliban sa Metro Manila, tumaas din ang presyo ng gulay sa ilang pamilihan sa Tuguegarao City, Cagayan sa kabila ng pagbabawal magtaas ng presyo habang nakadeklara ang state of calamity sa buong lalawigan.

Katuwiran ng mga nagtitinda ay maraming nasalantang taniman ng gulay kaya nagmahal ang kanilang bili mula sa kanilang supplier.

Sa tala ng Department of Agriculture (DA), umabot sa P3.3 bilyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura sa Ilocos Region habang P6.4 bilyon sa Cagayan Region.

Nasa P2.5 bilyon naman ang halaga ng pinsala sa Cordillera Region.

Facebook Comments