Inihayag ng samahan ng mga panadero ang pagtaas ng presyo ng tinapay lalo na at nagsisimula na ang preparasyon para sa pagdiriwang ng Holiday season o ang Pasko at ang Bagong Taon.
Ayon kay Lucito Chavez, Vice President ng Philippine Federation of Bakers, nararamdaman na nila ang malakas na epekto ng pagtaas ng presyo ng gasolina sa mga binibili nilang sangkap sa paggawa ng tinapay at ang pagtaas sa singil sa tubig at kuryente.
Pero tiniyak ni Chavez na mayroong umiiral na corporate social responsibility sa kanilang hanay at kasama rito ang Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal na hindi nila tataasan ang presyo.
Paliwanag ni Chavez na sa papasok na linggo, maghahain sila ng petisyon sa Department of Trade and Industry o DTI upang ipabatid na magtataas sila ng presyo ng tinapay.
Ngunit hindi naman tinukoy ni Chavez kung magkano ang kanilang hihingin dahil pabagu-bago ang presyo ng harina.
Umapela si Chavez sa pamahalaan na suportahan ang paggamit ng root crops sa tinapay gaya ng kamoteng kahoy, kamoteng baging, ube at kalabasa.
Naniniwala si Chavez na makapagpapababa ito sa importasyon ng harina at maiiwasan pa ang paglabas ng dolyar sa bansa.