Manila, Philippines – Iginiit ng isang kongresista na hindi dapat ipasa sa mga consumers ang dagdag singil sa presyo ng kuryente sa mga panahon na may un-scheduled maintenance shutdown ng mga power plants.
Ayon kay House Committee on Energy Vice Chairman Carlos Roman Uybarreta, responsibilidad ng power plant na nag-shutdown ang magbigay ng kuryente at kung hindi matupad ang kanilang mandato ay ang powerplant dapat ang umako ng dagdag na singil sa kuryente.
Binigyang diin nito na hindi pasanin ng consumer at hindi dapat consumer ang pagbabayarin sa dagdag singil kapag kumuha ang mga generation companies ng kuryente sa spot market tuwing pumapalya ang kanilang mga power plants na mag-supply ng kuryente.
Punto pa ng mambabatas, lahat ng additional charges na ipapataw dahil sa power plant shutdowns ay hindi dapat ipataw hanggat walang clearance mula sa Energy Regulatory Commission (ERC).