Manila, Philippines – Plano ngayon ng National Food Authority (NFA) council na dagdagan pa ang inaangkat na bigas ng Pilipinas para mapababa ang mataas na presyo nito sa mga pamilihan.
Ayon kay Agriculture Secretary Emmanuel F. Piñol, na siyang chairman ng NFA council, inatasan siya ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawin ang lahat para matiyak na mayroong sapat na supply ng NFA rice sa palengke.
Dagdag pa ni Piñol, aasahan daw na mas marami pang aangkating bigas ngayong taon kasunod na din ng utos ng Pangulo na punuan ng supply ang mga warehouses ng NFA sa buong bansa.
Titiyakin din ng NFA council na magkakaroon ng sapat na supply ng bigas sa susunod na buwan ang mga probinsyang apektado ng naturang bagyo.
Samantala, inaasahan naman na matatapos sa loob ng dalawang linggo o bago matapos ang buwan ng Oktubre ang isinasagawang inspeksyon ng binuong composite team upang malaman kung mayroon talagang hoarding o rice cartels sa mga rehiyon sa Pilipinas.