Magsusuplay ng pangunahing produktong agrikultura ang apat na rehiyon sa Mindanao sa Northern Luzon na matinding hinagupit ni bagyong Ompong.
Sa kaniyang Facebook post, sinabi ni Agriculture Secretary Manny Piñol na inatasan na niya ang four regional offices ng Department of Agriculture (DA) sa Mindanao na mag-airlift ng food supplies sa mga probinsiya sa Northern Luzon .
Tinokahan ni Piñol ang Zamboanga Peninsula (Region IX) na magsuplay ng isda at sardinas.
Mga gulay naman ang ide-deliver ng Northern Mindanao (Region X) habang ang Davao (Region XI) at Central Mindanao (Region XII) ang magsusuplay ng prutas tulad ng saging.
Hihilingin ni Piñol kay Pangulong Duterte na atasan ang Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na i-dispatch ang Air Force C-130 aircrafts sa mga nabanggit na rehiyon para kolektahin ang mga food supplies.
Pakikilusin naman ang mga DA Regional Offices sa Cagayan Valley, Cordillera at Ilocos para sa mabilis na distribusyon ng food supplies sa mga pamilihan .
Nakikipag-coordinate na rin ang DA sa mga poultry producers sa Luzon areas na hindi apektado ng bagyo na magsuplay ng dressed chicken.
Inalerto din ang mga Hog raisers na magtustos ng karne sa typhoon-affected areas.