Kumpiyansa si NFA OIC Administrator Tomas Escarez malalampasan nila ang target na 2.6 million bags ng palay na mabibili sa mga magsasaka ngayong 2018.
Nagsimula nang mamili ang NFA ng palay sa mga magsasaka sa Occidental Mindoro.
May kabuuang 56 bags ng palay ang nabili ng National Food Authority (NFA) mula sa ani ng mga magsasaka na miyembro ng People’s Farmers Multi-Purpose Cooperative sa San Jose.
Upang mas madaming magsasaka ang magbenta ng kanilang inaning palay, nag-offer ang NFA ng dagdag na P3 per kilogram buffer stocking incentive sa mga ito.
Ang buying price ng NFA ay P17 per kilo ng palay at dagdag pang insentibo na delivery incentive na P0.20, drying incentive na P0.20 at Cooperative Development Incentive Fee (CDIF) na P0.30.
Dahil sa dagdag na insentibo, ang kooperatiba ay kikita ng mahigit sa P8,400 sa P20.70 per kilo.
Sinabi ni Agriculture Secretary Manny Piñol na dahil ang NFA ay nasa ilalim na ulit ng Department of Agriculture (DA), prayoridad nito ang local procurement kaysa importasyon ng bigas para matulungan ang local palay farmers sa ating bansa.
Bibigyan din anya ng DA ng farm machineries bilang dagdag na insentibo ang mga magsasaka na magbebenta ng malaking bulto ng inaning palay sa NFA.