Dagdag na sweldo at makataong “working conditions” para sa mga frontline health worker ang panawagan ng isang kongresista ngayong paggunita ng National Heroes’ Day.
Ayon kay Assistant Minority Leader at Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas, ang mga healthcare workers ang siyang itinuturing na mga “modern-day heroes” dahil ang mga ito ang nangunguna sa pagtugon sa COVID-19 crisis sa bansa.
Wala aniyang ibang paraan para maipakita ang suporta sa mga frontline health workers kundi ang tuparin ang kanilang panawagan para sa maayos na benepisyo, dagdag na sahod at human working conditions.
Itinutulak ng kongresista na mabigyan ng P15,000 special risk allowance at P5,000 hazard duty pay ang lahat ng mga healthcare worker at hindi lamang iyong mga direktang humaharap sa COVID-19 patients.
Kung tutuusin aniya, hindi hamak na mas mataas pa ang kaso ng daily COVID-19 cases sa bansa kumpara sa natatanggap na kakarampot na sahod ng mga medical frontliner.
Giit pa ng kongresista, hindi dapat ipagkait ang nararapat na kompensasyon at iba pang kabayaran sa mga healthcare frontliner na patuloy na tumutugon sa pandemya sa kabila ng kapalpakan ng gobyerno sa kanilang COVID response.