DAGDAG TULONG PINANSYAL SA MSMEs SA IIKA-APAT NA DISTRITO, ILULUNSAD SA DAGUPAN ROADSHOW

Makakatanggap ng karagdagang suporta ang mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) sa ika-apat na distrito ng Pangasinan, sa pamamagitan ng isasagawang 2026 DTI-SBCorp Enterprise Rehabilitation Financing (ERF) Loan Application Fair Dagupan Roadshow na layong tulungan ang mga negosyong naapektuhan ng mga nagdaang bagyo.

Ang loan application fair ay gaganapin sa January 29, 2026 mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon sa People’s Astrodome, Dagupan City, Pangasinan.

Inaasahang dadaluhan ito ng mga MSME owners na nangangailangan ng puhunan upang makabangon at mapalakas muli ang kanilang mga negosyo.

Sa naturang aktibidad, magkakaroon ng on-site loan application assistance upang mas mapadali ang proseso ng pag-aapply ng pautang.

Kabilang sa mga kinakailangang dalhin ng mga aplikante ang PhilSys ID o iba pang government-issued ID, patunay ng bank account, Barangay Business Permit para sa mga pautang na 100,000 pesos pababa, at Mayor’s Permit para sa mga loan na nagkakahalaga ng 100,000 pesos hanggang 300,000 pesos.

Kailangan din ang DTI Business Name Registration, at para sa mga korporasyon o partnership, ang SEC o CDA Certification of Registration.

Ipinabatid din na ang pagbabayad para sa loans na 100,000 pesos pababa ay isasagawa sa pamamagitan ng online platforms o bayad centers habang ang mas mataas na loan amount ay babayaran gamit ang post-dated checks.

Samantala, ang mga aplikanteng 60 taong gulang pataas ay kinakailangang magsama ng co-borrower na may valid government-issued ID.

Sa pamamagitan ng programang ito ng DTI at SBCorp, layon ng pamahalaan na patatagin ang sektor ng MSMEs at suportahan ang kanilang patuloy na pagbangon at pag-unlad. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments