DAGSA NG MAMIMILI SA MALLS SA URDANETA CITY BAGO ANG BAGONG TAON, MAHIGPIT NA BINABANTAYAN

Mahigpit na binabantayan ang seguridad sa mga mall sa Urdaneta City bunsod ng dagsa ng mga mamimili ilang oras bago sumapit ang Bagong Taon nitong Disyembre 31.

Ayon sa panayam ng IFM Dagupan, maraming residente ang nagtungo sa mga mall para sa last-minute shopping, pagbili ng regalo, at pamamasyal kasama ang kanilang pamilya bago ang pagsalubong ng bagong taon.

Nakatulong din sa pagdami ng tao ang mga diskwento sa ilang bilihin gayundin ang ipinatupad na extended mall hours upang matugunan ang pangangailangan ng mga mamimili.

Ayon sa pamunuan ng mall, pinaghigpitan ang mga seguridad at crowd control measures upang mapanatili ang kaayusan at maiwasan ang anumang insidente lalo na sa kasagsagan ng dami ng tao.

Nakipag-ugnayan din ang mall sa Public Order and Safety Office (POSO) ng Urdaneta City upang mas mapalakas ang pagbabantay at masiguro ang kaligtasan ng publiko habang patuloy ang pamimili bago ang bagong taon.

Facebook Comments