Tiniyak ng Bureau of Immigration (BI) na sapat ang kanilang mga tauhan sa mga paliparan sa bansa dahil sa inaasahang pagdami ng mga papasok at lalabas na pasahero sa mga susunod na araw.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, bukod sa mga nagsisiuwiang biyahero sa pagtatapos ng holiday season ay makakadagdag din sa dagsa ng pasahero ang mahigit 60,000 pasahero na napektuhan ng technical glitch sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Linggo.
Sinabi naman ni BI Port Operations Division Chief Atty. Carlos Capulong na habang inaasahan nila ang mahabang pila ng mga pasahero na dadaan sa mga immigration counter, ang mga opisyal ng BI ay mabilis na nakapagproseso ng kanilang mga dokumento.
Hinikayat din ni Capulong ang publiko na gamitin ang mga electronic gate ng BI, upang makabawas ng kanilang oras sa pagproseso hanggang sa walong segundo bawat pasahero.
Nabatid na nakapagproseso ang ahensya ng kabuuang 12,304 arrivals noong January 1, kumpara sa 32,101 arrivals sa bisperas ng Bagong Taon.