Inaasahang dadagsa na bukas pabalik sa Metro Manila ang mga biyaherong umuwi sa kani-kanilang probinsya nitong Undas.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) Corporate Affairs Officer Kolyn Calbasa na nasa 160,000 hanggang 170,000 na pasahero ang bubugso sa terminal bukas kasabay ng balik eskwela at trabaho.
“As of 6:00 AM, 8,000 na po ‘yung nadagsa sa’ting terminal. Although ini-expect natin na by tomorrow, lalo pa pong dadami ‘yan dahil sabay na po ‘yan ng first day ng balik sa mga trabaho and at the same time mga daily commuters natin sabay na po ‘yan.”
Ayon kay Calbasa, nasa 944,000 na pasahero ang dumagsa sa PITX simula nitong October 28 hanggang November 2.
Sa kabila nito, wala namang naitalang untoward incident sa lugar.
Pinayuhan naman ni Calbasa ang mga pasaherong luluwas na huwag nang magdala ng maraming gamit partikular ang mga ipinagbabawal gaya ng flammable materials, armas at matatalim na bagay upang maging magaan ang kanilang biyahe.