Pinaghahandaan na posibleng dagsa ng mga turista sa Laois Beach sa bayan ng Labrador sa pagsapit ng holiday season.
Bilang inisyal na hakbang, nagtalaga na ng pansamantalang pananda ang Tourism Office sa baybayin kung saan maaaring itayo ang mga cottage.
Ayon sa Tourism Office, resulta ito ng isinagawang forum at talakayan kasama ang Engineering Office at shed owners ukol sa maayos na pagtatayo ng mga kubo sa tabing-dagat.
Layon nitong mapanatili ang kaayusan ng mga cottage nang makapagbigay ng magandang view at mas komportableng karanasan para sa mga bisita.
Ang hakbang ay isinagawa base sa rekomendasyon ng barangay council na naglalayong maiwasan ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga cottage owner.
Sa paghahandang ito, tinitiyak ng lokal na pamahalaan ang maayos at payapang karanasan ng mga turista sa Laois Beach ngayong kapaskuhan.









