Tinalakay ng Sangguniang Panlungsod ng Dagupan ang isang panukalang resolusyon na naglalayong makipagtulungan sa mga karatig-bayan ng Binalonan, Urdaneta, Sta. Barbara, San Carlos, Calasiao, at Binmaley upang mas mapalakas ang mga hakbang kontra pagbaha. Pinangunahan ito ni Konsehal Joey Tamayo sa regular na sesyon noong Lunes, Setyembre 8.
Ayon kay Tamayo, ang resolusyon ay naglalayong bumuo ng isang integrated master plan para sa pagsasaayos ng daloy ng tubig mula sa kabundukan ng Cordillera patungo sa Ilog Sinucalan at Ilog Basing.
Layunin nitong mabawasan ang epekto ng pagbaha at maprotektahan ang mga komunidad sa Dagupan at karatig-lugar.
Bukod sa flood mitigation, kabilang din sa panukala ang pagpapanatili ng malinis na kalidad ng tubig at mahigpit na pangangalaga laban sa polusyon. Bahagi rin nito ang proteksyon sa industriya ng bangus at iba pang produksyon ng isda na pangunahing kabuhayan sa lungsod.
Sa ilalim ng naturang resolusyon, ipapadala ang panukala sa mga karatig-LGU para sa kanilang pagsusuri at posibleng pakikiisa. Layunin nitong makabuo ng mas malawak na ugnayan para sa kaligtasan at kapakanan ng mga mamamayan laban sa banta ng pagbaha. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









