DAGUPAN CITY, ISINAILALIM SA STATE OF CALAMITY

DAGUPAN CITY, PANGASINAN – Idineklara ng Sangguniang Panlungsod ang state of calamity sa lungsod ng Dagupan dahil sa pagbaha at high tide na dulot ng Bagyong Maring.

Kahapon nagsagawa ng special session ang Sangguniang Panlungsod matapos sumulat ang alkalde na magpasa ng isang resolusyon ang sanggunian bilang pagdedeklara ng state of calamity.

Umabot na sa mahigit dalawampu ang bilang ng mga barangay ang nakararanas ng pagbaha.


Ilan lamang sa mga barangay na labis na apektado ay ang Lasip Grande na nasa 100% ng residente nito ang apektado at ang Malued na nasa 75%-80% residente ang apektado ng pagbaha.

Sa inisyal na report ng City Social Welfare nasa 165 na pamilya o 601 katao ang kasalukuyang nasa iba’t-ibang evacuation areas.

Tiyak naman ng City Disaster Risk reduction and Management Council na ang pagpapalabas ng calamity fund ay mapupunta sa mga kababayang apektado ng pagbaha.

Isa ang lalawigan ng Pangasinan na apektado ng pag-ulan at pagbahang dulot ng Bagyong Maring kung saan umabot na sa pito ang nasawi.###

Facebook Comments