Dagupan City, muling isinailalim sa state of calamity dahil sa pinsala ng magkakasunod na sama ng panahon

Muling isinailalim sa state of calamity ang Dagupan City noong Sabado, September 27, dahil sa matinding pinsalang dulot ng magkakasunod na sama ng panahon.

Sa bisa ng Resolution 8428-2025, inihayag ng Sangguniang Panlungsod na nagdulot ang bagyo ng patuloy na malalakas na pag-ulan na naging sanhi ng malawakang pagbaha sa iba’t ibang barangay, paglubog ng mga tirahan, at pinsala sa imprastraktura at kabuhayan.

Ang pagdedeklara ay nagbigay-daan sa pamahalaang panglungsod na gamitin ang Quick Response Fund (QRF) at iba pang pondo para sa kalamidad at magpatupad ng agarang hakbang para protektahan ang buhay, ari-arian, at kalusugan ng mga Dagupeño.

Kasama rin dito ang pagtugon sa relief, rehabilitasyon, at tulong para sa mga apektadong residente.

Ayon sa ulat, higit 50% ng populasyon ng lungsod ang apektado, partikular ang mga nakadepende sa pangingisda, agrikultura, vending, transportasyon, at iba pang sektor.

Dagdag pa rito, ilang dike at sistema ng ilog sa kalapit na bayan ang bumigay, na lalong nagpahirap sa pagbaha at nagdulot ng malaking pinsala sa mga tahanan, negosyo, at mahahalagang pasilidad.

Matatandaan na nitong Setyembre 15, matatandaang pinawalang bisa ng Sanggunian ang naunang deklarasyon ng state of calamity buhat ng pinsala noong Hulyo dahil din sa magkakasunod na bagyo.

Sa kasalukuyan, patuloy na sinisikap ng mga Dagupeño na malagpasan ang unos at magpatuloy sa pamumuhay.

Facebook Comments