DAGUPAN CITY, NAGBABALA NG HANGGANG ISANG TAONG PAGKAKAKULONG SA MGA NAGBEBENTA NG ILEGAL NA PAPUTOK

Nagbabala ang lokal na pamahalaan ng Dagupan City na mahaharap sa hanggang isang taong pagkakakulong ang sinumang mahuhuling nagbebenta ng ilegal na paputok, kasabay ng mahigpit na pagpapatupad ng mga umiiral na batas laban sa mga mapanganib na pyrotechnic devices.

Ayon sa abiso, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta, pamamahagi, pagmamay-ari at paggamit ng mga ilegal na paputok, lalo na ngayong panahon ng pagdiriwang.

Sinumang lalabag ay maaaring pagmultahin ng ₱20,000 hanggang ₱30,000 at makulong ng anim na buwan hanggang isang taon, o parehong multa at pagkakakulong.

Bukod dito, kanselado rin ang lisensya ng nagbebenta at kakumpiskahin at wawasakin ang mga ilegal na paputok na makukuhang ebidensya.

Iginiit ng mga awtoridad na hindi pananakot ang paalala kundi pagpapatupad ng batas upang maiwasan ang aksidente at maprotektahan ang buhay ng publiko.

Patuloy ang panawagan sa mga mamamayan na umiwas sa paputok at sumunod sa batas para sa isang ligtas na pagdiriwang.

Matatandaang dalawa ang namatay sa isang pagsabog at sunog na dulot ng paputok sa Barangay Bacayao Norte sa Dagupan City noong araw ng pasko. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments