Mahigit 7,206 katao o 2,322 pamilya ang kasalukuyang nananatili sa mga evacuation center sa Dagupan matapos ang matinding pinsalang iniwan ni Super Typhoon Uwan, isa sa pinakamalakas na bagyong tumama sa bansa ngayong taon.
Ngayong Miyerkules, personal na pinangunahan ng alkalde ang inspeksyon at pamamahagi ng tulong sa mga evacuation centers, kabilang ang Dagupan City People’s Astrodome, West Central Elementary School II, at Sabangan Elementary School.
Ang lungsod ay idineklara sa ilalim ng State of Calamity noong Nobyembre 10, upang mapabilis ang paglabas ng pondo at pamamahagi ng ayuda sa mga pinakaapektadong barangay.
Ayon kay Mayor Fernandez, nakahanda na ang serye ng relief operations kasama ang Sangguniang Panlungsod, katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa ulat ng CSWDO, nananatili pa sa evacuation centers ang ilang pamilya dahil sa patuloy na baha at mga bahay na tinangay ang bubong o lubog sa tubig.
Malaking tulong din ang donasyon mula sa ilang pribadong establisyimento na nagkaloob ng libu-libong tsinelas, kumot, banig, at food packs.
Patuloy ang koordinasyon ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), City Health Office (CHO), at City Nutrition Office (CNO) para masiguro ang kalusugan at kaligtasan ng mga evacuees.
Batay sa paunang pagtataya ng CDRRMO, umabot sa ₱85 milyon ang tinatayang pinsala sa agrikultura at imprastraktura sa Dagupan. Patuloy naman ang rehabilitasyon ng mga pangunahing daan at flood-control systems upang maiwasan ang karagdagang pinsala sa mga susunod na araw.
Sa gitna ng kalamidad, nagpapatuloy ang bayanihan ng mga Dagupeño — patunay na sa bawat unos, nananatiling matatag ang diwa ng pagkakaisa at pag-asa. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









