
Umarangkada ang kampanya ng Dagupan City sa swimming events matapos makapagdagdag ng mahahalagang medalya sa kasalukuyang kompetisyon.
Nagpakitang-gilas si Celena Mari Bauzon matapos ang kanyang silver medal finish sa 50m Breaststroke sa oras na 41.59 segundo, na nagbigay ng ikawalong medalya para sa SDO Dagupan.
Nauna rito, naghatid ng unang pilak si Jeremy Juan sa 200m freestyle (2:29.60). Hindi rin nagpahuli ang relay team na binubuo nina Juan, Alberto Luis Carvajal, Jedi Cid Villacorta, at Jose Joakin Ang, matapos masungkit ang gintong medalya sa 4x50m Medley Relay sa oras na 2:29.95—ikaapat na ginto ng lungsod sa torneo.
Sa kasalukuyang partial at unofficial standings, nasa ika-5 puwesto ang Dagupan City, patunay sa patuloy na pag-angat ng kanilang kampanya sa palaro.
Kasalukuyang nagpapatuloy ang athletic meet sa Candon City, Ilocos Sur, Philippines kung saan inaasahan pa ang mas matinding bakbakan sa mga susunod na araw habang target ng Dagupan na madagdagan ang kanilang medal haul. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










