BAGONG HEPE NG DAGUPAN CITY PNP, NANUMPA NA

Pormal nang ipinasa ang pamumuno ng Dagupan City Police Office (DCPO) kay PCOL Orly Z. Pagaduan bilang bagong Officer-In-Charge, City Director sa isang turnover and assumption of office ceremony na ginanap kahapon sa DCPO Headquarters.

Pinangunahan ang seremonya ni PBGEN Dindo R. Reyes, Regional Director ng Police Regional Office 1, at dinaluhan ng mga opisyal mula sa Pangasinan Police Provincial Office (PPO) sa pamumuno ni PCOL Arbel C. Mercullo, pati na rin ni Mayor Belen T. Fernandez ng Dagupan City.

Ayon kay PBGEN Reyes, ang pagtalaga kay PCOL Pagaduan ay bahagi ng pagsisikap ng PNP na palakasin ang pamunuan sa mga urban centers upang higit na mapabuti ang kapayapaan at seguridad sa lungsod.

Ipinahayag naman ni PCOL Mercullo ang suporta ng Pangasinan PPO sa bagong City Director at pinuri ang dedikasyon at karanasan ni PCOL Pagaduan sa paglilingkod.

Samantala, tiniyak ni Mayor Fernandez ang buong suporta ng lokal na pamahalaan sa bagong opisyal at sa mga programa nito upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng Dagupan City.

Nagtapos ang seremonya sa panunumpa ng pagkakaisa at kooperasyon sa pagitan ng PNP, lokal na pamahalaan, at komunidad, na nagmamarka ng bagong yugto sa pagpapatupad ng batas sa lungsod. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments