Dahil gusto niyang mapag-isa: Sanggol, nalunod nang iwan ng nanay sa banyera

(Unsplash)

TENNESSEE, USA – Nasawi ang isang 11 buwang gulang na sanggol matapos itong malunod nang iwan ng kanyang sariling ina sa bathtub noong Enero 10, Biyernes sa loob ng kanilang bahay.

Humaharap ngayon sa kasong murder ang inang si Lindsee Leonardo, 32, sa pagkamatay ng kanyang anak na si Alden Xavier matapos niya itong iwan kasama ang magdadalawang taong gulang nitong kapatid, para raw magkaroon siya ng oras sa pag-iisa.

Sa iniwang salaysay ni Leonardo, inamin nitong dinala niya ang mga anak sa bathtub at iniwan ng halos 10 minuto para makapagyosi at makapakinig ng dalawang kanta sa kanyang telepono.


Nang bumalik daw siya sa banyo, natagpuan niya ang batang nakalutang na sa tubig at hindi na umano gumagalaw.

Naisugod pa ang sanggol sa ospital ngunit sumakabilang buhay din dahil sa mga natamong pinsala.

Wala namang masamang nangyari sa kapatid ng biktima.

Una nang nakasuhan ng child abuse si Leonardo ngunit kalauna’y humarap na rin sa kasong murder ayon sa pulisya.

Facebook Comments