Manila, Philippines – Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang mga tauhan ng Manila Police District para matukoy ang sanhi ng pagkalason ng 16 na residente na uminum ng alak sa Sampaloc, Manila.
Ayon kay MPD Spokesman Supt. Erwin Margarejo noong Nov.21 pa umano nangyari ang insidente pero noong Biyernes lang naireport sa pulisya.
Napag-alaman na nasawi makaraang ang dalawang araw sa Hospital ng Sampaloc si Jonathan Ravela,21 anyos habang tatlo pa sa kanyang mga kasamahan ang naospital din at ang iba naman ay nakaranas ng pananakit ng katawan ,pagkahilo at panlalabo ng mga mata at ayon sa doktor Methanol poisoning ang nangyari kung saan ang naturang kemikal ay ginagamit sa pag-eembalsamo.
Ayon kay MPD Station 4 PO1 Danilo Cabigting ang isa sa naospital na si Joenald Alfaro, nagsabi na iniregalo lamang ng lalaking kaibigan ng kaniyang misis ang alak na nakalagay sa galon ng tubig ng baterya ng sasakyan dahil birthday ng kanyang anak.
Noong una ay wala umano silang naramdaman pero kinabukasan doon na sila nakaramdam ng kakaiba.
Paliwanag ni Cabigting nagtatago na rin ang misis ni Joenald na si Maria Angelika Pilapil maging ang kaibigan nito na nagbigay ng alak ay hindi na rin makita ng mga otoridad.