Dahil sa Bagyong Kristine, bilang ng mga pasaherong dadagsa ngayong Undas palabas ng NCR, aabot na lang sa 1.4-M –PITX

Mula sa 2.4 milyon, aabutin na lang umano ng 1.4 milyon ang pasahero ang inaasahang dadagsa na uuwi sa mga probinsiya sa paggunita ng Undas ngayong taon.

Sa QC Journalist Forum, sinabi ni Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) Spokesman Jason Salvador na dulot ito ng epekto ng nagdaang Bagyong Kristine sa marami pa ring mga lansangan na hindi pa maaaring daanan patungo sa probinsiya lalo na sa Bicol region.

Sa naturang bilang, nasa 140,000 hanggang 150,000 ang arawang pasahero ng PITX.


Ani Salvador, higit anim na libong mga bus naman ang naka-antabay para magserbisyo sakaling kulangin at biglang dumagsa ang mas maraming pasahero mula ngayong Oktubre 30 hanggang November 5.

Sinabi pa ni Salvador na posibleng maging normal na ang lahat ng biyahe sa Bicol.

Uutay-utayin aniya ang pagpayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO) sa mga biyahe ng mga bus upang maiwasan ang pagdagsa ng mga pasahero at ang pagbigat ng daloy ng trapiko sa mga kalsada.

Hinikayat din ni Salvador ang mga commuter na pagplanuhang mabuti ang pag-uwi sa mga probinsiya ngayong Undas at alamin muna ang mga passable na kalsada upang hindi masayang ang bakasyon.

Dapat din aniyang mag-book nang maaga ang mga commuter na uuwi ng probinsiya upang hindi maabala ang oras kapag nagdagsaan ang mga pasahero sa terminal.

Facebook Comments