Surigao Del Sur – Sinampahan ng Office of the Ombudsman ng kasong katiwalian sa Sandiganbayan ang dating alkalde ng Cantilan, Surigao Del Sur na si Tomasa Luga Guardo dahil sa pagbili ng isang traktora.
Isinama din sa kinasuhan ang labing isang opisyal at kawani ng munisipalidad ng Cantilan at ang private contractor na si Joseph Sy ng Golden Harvest Global Corporation.
Ayon sa Ombudsman, iginawad ng lokal na pamahalaan ng Cantilan, Surigao Del Sur sa kumpanya ni Sy ang kontrata para sa pagbili ng isang unit ng 65 horsepower na farm tractor sa halagang 2.2 million pesos.
Pero natuklasan ng mga imbestigador ng Ombudsman na hindi ito dumaan sa tamang proseso at hindi rin akma ang specification ng traktora na nai-deliver ni Sy.
Tatlumpung libong piso naman ang inirekumendang piyansa para sa bawat akusado.