Manila, Philippines – Sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng board of directors and management ng Nayong Pilipino dahil sa isyu ng malawakang korapsyon.
Sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, ginawa ng Pangulo ang pagpapasya matapos ang cabinet meeting sa Palasyo noong Lunes ng gabi.
Aniya, ang pagsibak sa mga opisyal ng Nayong Pilipino ay kaugnay ng pagpapa-upa sa lupang pag-aari ng gobyerno sa loob ng pitumpung taon.
Kabilang sa mga sinibak ay sina Atty. Grace Panagsagan, Danny Camerino, Ivan Henares, Mila Ladrido at Ray Dean Salvosa.
Para aniya kay Pangulong Duterte, ang kontrata ay “grossly disadvantageous” para sa pamahalaan.
Bagaman hindi binanggit ang tinutukoy na kasunduan iginiit ni Roque na nais ng Pangulo na ipatigil ito.
Una nang naghain ng reklamo si Nayong Pilipino Board Member Maria Fema Duterte, malayong kaanak ng Pangulo laban kay Chairperson Patricia Yvette Ocampo at sa iba pang miyembro ng board.
Ang reklamo ay kaugnay sa umano ay lease agreement na pinasok ng pamunuan ng ahensya sa Landing Resorts Philippines Development Corp., isang subsidiary ng landing international.
Ani Fema Duterte, malulugi ang gobyerno ng P517 milyon bawat taon o P25.85 bilyon sa 50-year deal na pinasok ng ahensiya sa pagtatayo ng resort-casino.