Dahil sa Lupa, Isang Barangay Kagawad Muntik Mapatay ang Kapatid na Kapitan

Cauayan City, Isabela – Nakakulong ngayon ang isang barangay kagawad matapos dakpin ng PNP Cauayan dahil sa kanyang pagtatangka umanong patayin ang kapatid na Punong Barangay ng Alilam, Cauayan City, Isabela.

Ang suspek ay nakilalang si Alfredo Pulido y Meneses, dating kapitan na kasalukuyang kagawad at ang biktima ay si Domingo Pulido y Meneses ang kasalukuyang kapitan ng naturang barangay.

Ayon sa nakalap na impormasyon ng DWKD 98.5 RMN News Team, bandang alas tres ng hapon noong Hulyo 12, 2017 ay nagkaroon ng away ang magkapatid sa isang pakayan sa naturang barangay matapos igiit umano ng nakababatang kapatid na siya dapat ang sasaka sa lupang kasalukuyang sinasaka ng kapitan. Pagkasabi umano ng kagawad sa naturang pahayag ay agad niyang binaril ang kapitan gamit ang kalibre 45 ngunit hindi ito tinamaan. Nagpambuno ang dalawa at nagawang maagaw ang baril at napahupa umano ang nakababatang kapatid.


Kalaunan ay umalis ang barangay kagawad gamit ang isang Honda XRM 125 at bumalik na may dala dalang mahabang baril at harapang hinamon si kapitan. Tiyempo namang dumating ang mga tinawag na mga kasapi ng PNP Cauyan at narekober sa kagawad ang isang carbine at magazine na may laman na sampung bala. Isinuko naman ng kapitan ang kanyang naunang naagaw na baril na kalibre 45 sa mga pulis.

Sa kasalukuyan ay kulong ang kagawad na si Alfredo Pulido y Meneses sa PNP Cauayan detention cell at kakaharapin niya ang kasong frustrated homicide at illegal possession of firearms matapos malaman na walang lisensiya ang kanyang baril. Samantalang pursigido umano ang kapitan na ihain ang kaso laban sa kanyang kapatid na muntik umanong nakapatay sa kanya.

Facebook Comments