Nagsagawa ng malawakang kilos protesta ang umaabot sa mahigit 3,000 residente ng Island Garden City of Samal sa tanggapan ng Northern Davao Electric Cooperative Inc. (NORDECO) kaninang umaga dahil sa palpak na serbisyo sa lalawigan at sa nasasakupan nitong mga probinsya sa loob ng mahigit anim na taon.
Ayon sa mga residente na konsyumer ng NORDECO, taong 2016 pa sila nagtitiis sa palpak na serbisyo ng koryente.
Ayon sa mga ralyista, nawawalan umano sila ng koryente mula apat hanggang limang beses sa loob ng isang araw kaya marami sa kanila ang nasisira na ang appliances at apektado na ang kanilang kabuhayan.
Sa panayam ng DZXL-RMN, sinabi ni Island Garden City of Samal Vice Mayor Lemuel Reyes, na nakiisa rin sa rally, na ang iba sa kanila, kabilang na ang mga estudyante ay napipilitang pumasok ng walang ligo dahil naka konekta ang kanilang suplay ng tubig sa koryente.
“Binibiro ko na lang minsan, lahat naman tayo parehong walang ligo. Pero nasisira na ang mga gamit ng mga residente namin sa hindi stable na supply ng koryente. Minsan, kami napagbubuntunan ng mga negosyante at mga residente, tinatanong kung ano ginagawa namin, e nagawa na namin lahat ng paraan,” pahayag ni Vice Mayor Reyes.
Dahil dito, napipilitan umano silang gumamit ng ‘genset’ para lang magkaron ng tubig at makahatid sa mga barangay.
“Malaking problema po talaga sa Samal is ‘yung kuryente… Halos everyday nagba-brownout ang mahal pa, P19 per kilo watt hour, ‘yung sa ibang supplier nasa p12 lang yata per kilo watt hour, ilan ang diperensya tapos hindi naman maganda ang serbisyo,” pahayag ni Vice Mayor Reyes.
Maliban dito, idinagdag pa ni Reyes na direktang apektado na rin ang pagnenegosyo sa kanilang lugar, lalo na ang sektor ng turismo sa isla.
“We are growing [in investments] kaso nga lang nauudlot. Maraming gustong pumasok, ‘pag tinatanong ‘yung koryente tapos [hindi naman masiguro] dahil ‘di naman stable, wala kaming magawa,” dagdag pa ni Reyes.
“Siyudad po kami, pero ang nangyayari po para na lang kaming isang barangay dahil hindi stable ang koryente naming,” dagdag pa niya.
Kasabay nito, nanawagan ang mga ralyista kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na aksyunan ang matagal ng hinaing ng kanilang lugar.
Umaasa po kami na saklolohan na kami ng ating Pangulong BBM, bigyan na po sana n’ya kami ng disenteng suplay ng tubig at koryente, pahayag ni Reyes.