Duda ang ilang mga kongresista na posibleng bagong modus ang mga nadiskubreng bloke ng cocaine sa Davao Oriental at Nueva Ecija nitong weekend.
Ayon kay ACT Teachers Partylist Representative France Castro, posibleng bagong modus ng mga drug syndicates ang pagpupuslit ng mga bloke ng droga papasok ng bansa para mailigaw ang atensyon ng mga otoridad sa mas malalaking shipment ng droga.
Kinuwestyon din ng mambabatas ang pananahimik ni Pangulong Duterte sa isyu ng droga habang mainit naman ang presidente pagdating sa simbahan at NPA.
Naniniwala naman si Akbayan Partylist Representative Tom Villarin na ang mga nadiskubreng bricks ng cocaine sa mga karagatan at dalampasigan sa iba’t-ibang probinsya sa bansa ay maaaring ‘tip of the iceberg’ o maliit pa lamang sa tunay na lumolobong international drug trade sa Pilipinas.
Nakakaalarma din aniya na dahil sa pagkakalusot ng mga cocaine ay tiyak na namamayagpag pa rin ang ilegal na droga.
Patunay din ng insidente na hindi pa rin nagtatagumpay ang war on drugs at malabo pa ring maresolba ang problema sa droga sa Pilipinas.