DAHIL SA PANINITA │ Isang binatilyo, kritikal matapos mabaril ng pulis

Pampanga – Kritikal ang isang 16-anyos na lalaki matapos mabaril ng pulis na sumita sa kaniya habang nagmomotorsiklo sa Angeles City, Pampanga.

Sa kuha ng CCTV, makikita si Salman Pundato Macal na nakasakay sa motorsiklo na sinabayan at pinatigil ng isang police mobile sa Barangay Balibago noong Miyerkules dakong 6:00 ng gabi.

Isang pulis na babae at lalaki ang bumaba sa police mobile at nilapitan si Macal, na biglang pumiglas at tumakbo.


Hindi na nahagip ng camera ang sunod na nangyari pero nang bumalik ang mga ito sa sasakyan ay nabaril na ng pulis na babae ang biktima at isinasakay na sa police mobile para dalhin sa ospital.

Ayon sa ina ng biktima na si Kayamasa Pundato, nagpapaliwanag at humihingi ng paumanhin ang babaeng pulis dahil aksidente lang aniya ang pagkakabaril nito sa binatilyo.

Hindi pa malaman ang mga pangalan ng mga pulis dahil wala pang ibinibigay na paliwanag ang police station 4 sa mga kaanak ng biktima.

Gayunman, tiniyak ng bagong police director ng Angeles City na si Sr. Supt. Enrico Vargas na pinaiimbestigahan na niya ang pangyayari.

Facebook Comments