Nagbabala ang National Power Corporation (NAPOCOR) na magkakaroon ng malawakang blackout sa susunod na taon kasunod na rin ng tapyas na pondo sa ahensya.
Sa pagdinig ng Senate Finance Committee sa 2023 budget ng NAPOCOR, P32.2 billion ang inaprubahang pondo sa ahensya sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program (NEP) pero P44.49 billion sana ang orihinal na hinihiling na pondo ng NAPOCOR.
Ayon kay NAPOCOR Finance Planning Budget and Program Review Department Manager Jenalyn Tinonas, dahil sa tapyas na mahigit sa P12 billion ay mula Enero hanggang Hulyo 2023 lang ang itatagal ng pambili nila ng diesel fuel at posibleng kapusin pa kung patuloy na tataas ang suplay ng kuryente.
Aniya, ang kanilang budget ay para lamang sa 40 dollars kada bariles pero sa ngayon ay higit pa sa 90 dollars kada bariles ang presyo ng diesel fuel sa world market.
Babala ng NAPOCOR, kung hindi maibabalik ang orihinal na pondo ay mauuwi ito sa pag-shutdown ng 278 na mga planta ng kuryente sa huling bahagi ng July 2023 at maaapektuhan ng power outages ang nasa 1.3 million na households sa buong bansa.
Iminungkahi naman ni Senator Sherwin Gatchalian sa NAPOCOR ang apat na paraan para matugunan ang bantang blackout sa susunod na taon dahil sa malabong maibigay pa ang P12 billion.
Kabilang dito ang paggamit sa kanilang savings, loan, pagbibigay subsidiya ng gobyerno at maaari ring singilin ang collectibles ng NAPOCOR sa gobyerno.