Dahil sa Textmate, Lalaki Natimbog sa Droga!

*San Mariano, Isabela- *Timbog sa ikinasang Drug Buy Bust Operation ng PNP San Mariano, Isabela ang isang driver matapos na mahulog sa inilatag na pa-in ng mga alagad ng batas at PDEA.

Kinilala ang natimbog na suspek na si Jayson Dela Cruz, 30 taong gulang, binata at residente ng barangay Gagabutan, Cauayan City, Isabela.

Sa ekslusibong pagtutok ng RMN Cauayan sa isinagawang operation ng mga otoridad kaninang pasado alas otso ng gabi sa boundery ng bayan ng San Mariano at Benito Soliven, Isabela, nakuha mula sa pag-iingat ng suspek ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu, buy bust money na nagkakahalaga ng mahigit dalawang libong piso, cellphone at motorsiklo.


Sa panayam parin ng RMN Cauayan sa suspek, siya ay nagtungo sa lugar upang makipagkita sa kanyang textmate na dalaga na nagyaya sa kanya upang mag jamming at gumamit ng shabu na pinatulan naman ng suspek.

Laking gulat na lamang ng suspek ng malaman na pulis ang kanyang ka-transakyon na ang pagkakaalam ay gumagamit rin ng droga.

Agad na dinakma ng mga pulis ang suspek matapos itong masamsaman ng droga at ngayon ay isinailalim na ito sa interogasyon habang inihahanda na ng PNP San Mariano ang kasong Paglabag sa R.A 9165 laban sa pinaghihinalaan.

Kaugnay nito ay naging saksi sa nasabing buy bust operation ang mga opisyal ng barangay Sta. Filomena, San Mariano, Isabela.

Facebook Comments