Dahil sa TILAMSIK NG TUBIG, Magbayaw, Sinaksak, Patay

Hindi lubos maisip ng dalawang pamilya sa Naga City na tilamsik lamang ng tubig ang magiging dahilan ng kamatayan ng kanilang mga mahal sa buhay.
Kahapon, bandang alas 4 ng hapon, dalawa katao ang nasaksak habang nasa kalagitnaan ng kanilang excursion sa batis-paliguan sa Zone 5, Carogcog, Inarihan River, Brgy. Carolina, Naga City.
Nakilala ang mga biktima na sina Edgardo Bartolome, 32, residente ng Bgy. Concepcion Pequeña, Naga City at Emmanuel Perito, 29, ng Brgy. Concepcion Grande, Naga City.
Kapwa magbayaw ang mga biktima.

Ayon sa imbistigasyon ng pulisya, natilamsikan umano ng tubig ang suspek nang tumalon sa ilog si Emmanuel Bartolome. Naging sanhi ito ng diskusyon, nagkapikunan at nagkainitan na nauwi sa pananaksak ng suspek kay Bartolome. Ang bayaw nitong si Perito na nakakita sa sitwasyon ay nagsikap na awatin at ayusin ang gusot subalit pati siya ay inundayan din ng saksak ng suspek.

Si Bartolome ay kaagad binawian ng buhay doon pa lamang sa pinagyarihan ng krimen. Si perito naman ay sinikap pang dalhin sa BMC subalit binawian din ng buhay bandang alas 6 ng hapon dahil sa lubha ng kanyang tama.
Narecover ng pulisya ang kutsilyong ginamit ng suspek subalit HINDI PA BATID ANG PAGKAKAKILANLAN NG SALARIN. Mabilis itong tumakas pagkatapos ng krimen.
Samantala, nanawagan naman si SPO 2 Toby Bongon, tagapagsalita ng Naga City Police Office, sa suspect na sumuko na lamang at harapin ang kanyang ginawa. Sa panayam ng DWNX, nagpahayag ng appeal si Bongon sa suspek na sumuko na lamang, kasabay ng panawagan sa mga nakakita ng pangyayari na tumulong para ma-establish ang identity ng suspect. Malakas ang paniniwala ng pulisya na may kasama ang suspect kung kaya’t sa malaon at mafali, sa tulong ng mga testigo ay makikilala at mahuhuli rin ito.


Kung sakaling merong kayong impormasyon kaugnay ng kaganapang ito, mangyaring makipag-ugnayan sa Naga City Police Office, o tumawag sa landline 473-3537.

Kasama mo sa balita at serbisyo publiko, RadyoMaN Paul Santos, Tatak RMN!

Facebook Comments