Manila, Philippines – Ibinida ng Palasyo ng Malacanang na ang pagbaba ng mga nabibiktima ng common crime sa bansa ay resulta ng matinding paglaban ng administrasyong Duterte sa iligal na droga sa bansa.
Ito ang sinabi ng Malacanang bilang reaksyon sa survey ng Social Weather Station o SWS kung saan lumabas na 6.1% sa ating mga kababayan ang nabiktima ng common crimes.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, bumaba na kasi ang bilang ng mga drug addict sa bansa kaya kasabay nito ang pagbaba ng mga common crimes kung saan pumapalo sa record low average na 5.6% ang naitatala sa insidente ng property crimes sa nagdaang 28 taon.
Patunay din aniya ito sa sentimyento ng mamamayan na nananalo ang administrasyong Duterte sa Anti-Crime at Anti-illegal Drug Campaign na siguradong magpapataas ng moral ng Philippine National Police.
Tiniyak din naman ni Roque na ipagpapatuloy at paghuusayan pa ng pamahalaan ang mga hakbang nito para labanan ang kriminalidad sa bansa.