Nanawagan si Basilan Rep. Mujiv Hataman sa lahat na pag-aralang mabuti kung bakit nangyari ang malaking pinsala sa buong bansa na iniwan ng Bagyong Paeng.
Paliwanag ni Hataman, hindi ito upang magbunton ng sisi kundi maghanap ng mga paraan kung paano natin ito maiiwasan sa mga susunod na kalamidad.
Bukod dito ay nananawagan din si Hataman sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno, maging sa pribadong sektor, na magpadala ng agarang tulong para sa mga biktima ng bagyo, lalong-lalo na sa BARMM kung saan mataas ang bilang ng mga nasawi.
Hiling din ni Hataman sa national government na hangga’t maaari ay palakasin ang kapasidad ng mga lokal na pamahalaan at tumulong sa search and rescue operations para sa mga nananatiling nawawala nating kababayan.
Una ring nagpahayag ng pakikiramay at pakikidalamhati si Hataman sa mga kapamilya at kaanak ng mga nasawi sa pananalasa ng Bagyong Paeng, kasama ang napakaraming mag-anak na nasalanta ng kalamidad na ito.