Hindi pa matukoy ng mga otoridad ang sanhi ng pagbagsak ng isang medical evacuation aircraft sa Agoho Private Resort sa Barangay Pansol, Calamba City, Laguna kahapon.
Sa inisyal na imbestigasyon – galing sa Dipolog City sa Zamboanga del Norte ang King Air 350 Medevac plane at papuntang Maynila nang mangyari ang insidente.
Patay ang lahat ng siyam na sakay ng aircraft kabilang ang piloto, co-pilot, doktor, dalawang nurse at mga pasyente.
Ito ay sina Jesus Hernandez, 1st officer Lino Cruz Jr, Dr. Garret Garcia M.D., Kirk Eoin Badiola, Yamato Togawa, Ryx Gil Laput, Raymond Bulacja, Tom Carr at Erma Carr.
Habang sugatan ang mag-inang Johnrey at Malou Roca na nasa loob ng resort na pinagbagsakan ng aircraft.
Sabi ni Calabarzon-RDRRMC spokesperson Alex Magsilat – nagkapira-piraso na ang bahagi ng eroplano sa ere pa lamang.
Bagamat hindi overloaded, tinitingnan na rin ng mga otoridad kung bakit siyam ang sakay nito gayong walong pangalan lang ang nasa listahang isinumite sa CAAP.
Samantala, sasagutin ng Lion Air, ang kompanyang may-ari ng aircraft ang gastos sa pagpapalibing sa mga biktima at pagpapagamot sa mga dinala sa ospital.
Nakikipag-ugnayan na rin sila sa kapitan ng Barangay Pansol para tulungan ang mga residenteng nasira ang bahay dahil sa plane crash.