
Inihayag ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na layon nilang malaman ang tunay na dahilan ng pagkamatay ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina Cabral.
Matatandaan na kabilang si Cabral sa mga DPWH officials na nasangkot umano sa maanomalyang flood control projects.
Ayon kay ICI Executive Director at Spokesperson Atty. Brian Hosaka, mahalagang maimbestigahan ang pangyayari upang matiyak na walang foul play na naganap. Dagdag pa niya, kung lumabas sa resulta ng imbestigasyon na may foul play, posibleng may koneksyon ito sa mga sangkot sa nasabing anomalya.
Hiniling din ng ICI sa mga pulis na agad ipreserba ang lahat ng dokumento, gadgets, at computers ni Cabral para sa posibleng digital forensic examination.
Aniya, bilang dating Usec. for Planning, walang dudang may hawak si Cabral na mahahalagang impormasyon hinggil sa flood control scam.
Kasabay nito, nakikiramay ang ICI sa mga naulilang pamilya, kaibigan, at mahal sa buhay ni Cabral.









