Kasalukuyang nagsasagawa ng operasyon ang Philippine Coast Guard (PCG) para agad na matanggal ang barge na nasunog sa Manila Bay sa Navotas City.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni PCG NCR-Central Luzon Spokesperson Lt. Comdr. Michael John Encina, na parehong nakaangkorahe ang dalawang barko pero dahil sa lakas ng hangin at ulan ay lumakas din ang alon kaya humampas ang MV Camilla sa isa pang barko na JT Express.
Ito aniya ang dahilan kaya nag-ignite at nasunog ang MV Camila dakong ala siete y media ng umaga kahapon.
Agad namang nag-deploy ng floating asset at quick response team ang PCG.
Idineploy rin ang BRP Sindangan at fire boat mula sa PCG Malacañang at nailigtas at binigyan ng first aide ang 17 tripulante, habang ang isa pang unang napaulat na nawawala ay nakita naman sa katabing barangay at dinala na sa Navotas hospital.