Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Department of Agriculture sa totoong dahilan ng pagtaas ng presyo ng pulang sibuyas sa 720 pesos kada kilo.
Ayon kay DA Assistant Secretary Kristine Evangelista, maaaring ang pagtaas ng presyo ay dahil sa agricultural smuggling at price manipulation, pero lahat aniya ng anggulo ay tinitignan ng ahensya maging ang mga paraan upang mapababa ang presyo ng mga agricultural commodities.
Nauna nang sinabi ni DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban na hinala ng departamento na may sindikatong nag-iimbak ng mga pulang sibuyas na naging dahilan ng pagtaas ng presyo nito.
Samantala, kahapon ay sinabi ng DA na inirerekumenda nito na itaas ang suggested retail price ng pulang sibuyas sa 250 pesos kada kilo simula Disyembre 30, dahil ang presyo nito sa merkado ay tumaas sa mahigit 700 pesos kada kilo sa ilang mga wet market.
Target naman ng DA na maisapinal na ang rekomendasyong 250 pesos kada kilo na SRP ng pulang sibuyas ngayong araw.