Tinatayang aabot sa 766 hanggang 1,571 ang bagong kaso ng COVID-19 ang naitatala kada araw ng Department of Health (DOH) ngayong Hulyo.
Paliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, 766 cases ang average na bilang ng bagong kaso kada araw mula nang magsimula ang sakit habang 1,571 ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ay mula sa petsa ng pag-uulat.
Sinabi ni Vergeire na ang pagtaas ng kaso ay bunga ng community transmission at pinalawak na testing.
Pagtitiyak ni Vergeire na kinakaya pa ng kasalukuyang health system ang pagdating ng mga bagong kaso.
Binanggit din ni Vergeire na ang case doubling time ay tumaas sa 8.18 days. Ibig sabihin, inaabot ng hanggang walong araw bago mag-doble ang mga kaso.
Nitong mga nagdaang araw, ang bilang ng bagong kaso ay lumagpas sa 2,000 nang apat na beses kung saan naitala ang record high na 2,539 cases noong July 8.
Sa ngayon, aabot sa 85 ang lisensyadong laboratory sa bansa ang pinapayagang makapagsagawa ng COVID-19 test.
Sa huling datos ng DOH, sumampa na sa 57,006 ang kaso ng COVID-19 sa bansa, 20,371 ang gumaling at 1,599 ang namatay.