Bumaba sa halos 6,000 ang arawang nasusuri ng Department of Health (DOH) sa COVID-19 test.
Taliwas ito sa anunsyo ng Malakanyang na mahigit 32,000 na ang daily testing capacity ng bansa.
Paliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, maaaring kabilang sa mga dahilan nito ay ang kakulangan sa supply, pagkasira ng equipment para sa COVID-19 test at limitadong oras ng operasyon.
Dahil dito, sinabi ni Vergeire na ipinag-utos na ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi na maaari pang magkaroon ng one-day off ang lahat ng laboratoryo para sa kanilang operasyon.
Binigyan na rin aniya ng target na bilang ng dapat na ma-test at masuring sample ang mga laboratoryo.
Tiniyak naman ni Vergeire na isasapubliko nila sa mga susunod na araw ang tunay na testing capacity ng nasa 42 lisensyadong laboratoryo sa bansa.