Sinimulan na ng Maynilad ang pagpapatupad ng daily water service interruptions sa mga lugar na sineserbisyuhan nito sa Metro Manila at Cavite.
Layon nito na hindi agad maubos ang supply ng tubig dahil sa nakaambang epekto ng El Niño.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Maynilad Spokesperson Jennifer Rufo na posibleng ipatupad ang daily water service interruptions sa buong panahon ng tag-init.
Aniya, nakadepende kasi sa tubig na matatanggap ng kanilang treatment plants at sa aktwal na ulan na babagsak sa watersheds ang itatagal ng water interruptions.
“Minabuti natin na proteksyunan na itong remaining supply dahil 90% po ng ating raw water, nanggagaling pa rin sa Angat-Ipo system,” ani Rufo.
“Actually, ano to, concession-wide natin siya in-implement. So, it affects around one million water service connections. And then, these daily interruptions, it will be in placed po until such time, as we’re sure na yung darating na rainfalls ay enough para ma-replenish ang ating dams. So, in other world, likely po ay in place po ito throughout the summer months,” dagdag niya.
Bukod sa daily water interruptions, nakahanda rin ang kanilang supply augmentation measures gaya ng pagre-reactivate ng deepwells at pagpapatakbo ng modular treatment plants sa Cavite.
Humingi naman ng paumanhin ang maynilad sa mga maaapektuhan ng water interruptions.
“Humingi tayo ng pang-unawa at pasensya sa ating customers. Ito pong implementation natin ng service interruptions is really just a conservation measures para mapahaba pa natin yung ating available supplies over a longer period para maitawid natin yung panahon ng tag-init at panahon ng El Niño.”