Binanatan ni Senate President Vicento “Tito” Sotto III si PhilHealth President at CEO Ricardo Morales.
Kasunod ito ng daing ni Morales na hindi inirerespeto ang kanyang privacy matapos na maisapubliko ang nilalaman ng kanyang medical certificate kung saan nakasaad na mayroon siyang cancer at kasalukuyag sumasailalim sa chemotherapy.
Sa interview ng RMN Manila, iginiit ni Sotto na bilang high-public officials, wala talagang privacy si Morales.
Payo niya kay Morales, umalis siya sa gobyerno kung gusto niya na maging pribado.
“If you’re holding a public office lalo na kung high-government official ka, wala kang privacy. Kung ayaw mo umalis ka. Ganon ang sistema ro’n e. Papayag ba ang tao na kaming mga high- public officials e private ang mga buhay at private ang mga gawain? So may kasabihan sa ingles, if you can’t stand the heat, get out of the kitchen,” giit ni Sotto.
Samantala, asahan na ang mga bagong pagbubunyag hinggil sa anomalya sa PhilHealth sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado bukas.
Umaasa rin si Sotto na lulutang sa pagdinig maging ang iba pang opisyal na may alam sa nangyayaring katiwalian sa ahensya.
Dagdag pa ng senador, kawalan na ng PhilHealth kung hindi makadalo sa pagdinig ang mga opisyal nito para sagutin ang mga alegasyong ibinabato sa kanila.
Isa sa mga uungkatin sa Senate hearing bukas ay ang ibinunyag ni Senador Juan Miguel Zubiri hinggil sa 10-bed hospital sa Davao Region na nakatanggap ‘di umano ng P10 milyong pondo mula sa PhilHealth kahit wala itong hinahawakang kaso ng COVID-19.