Dalaga na kasintahan ng nagpositibo sa COVID-19 mula sa Bayan ng San Guillermo, Positibo sa Rapid Test

Cauayan City, Isabela- Binabantayan ngayon ng Lokal na Pamahalaan ng Luna ang isang dalaga na kanilang kababayan matapos makasama ang kanyang kasintahin na kauna-unahang naitalang nagpositibo sa COVID-19 mula sa bayan ng San Guillermo.

Ayon kay Mayor Jaime Atayde, nagpositibo naman sa rapid test ang dalaga kung kaya’t agad itong isinailalim sa isolation facility ng kanilang bayan para maiwasan ang posibleng pagkalat ng virus.

Giit ng alkalde, tinatayang nasa mahigit 30 katao ang nakasalamuha ng dalaga na ngayon ay sumailalim na sa RT-PCR test para masigurong ligtas ang mga ito sa banta ng virus.


Nabatid na nagkaroon ng okasyon nitong August 10 sa isang compound na pawang mga kaanak nito ang pangunahing bisita hanggang napag-alaman na nagpositibo sa virus ang kasintahan ng dalaga na residente naman ng bayan ng San Guillermo.

Nananawagan naman si Atayde sa publiko na ugaliing magsuot ng face mask at face shield na isang paraan para hindi na umano magdeklara ng localized lockdown sa kanilang bayan.

Facebook Comments