Cauayan City, Isabela- Palaisipan pa sa kasalukuyan ang pagpapatiwakal ng isang dalaga na matagal nang naninilbihan bilang isang katulong sa isang bahay partikular sa Roxas St. Brgy District 2, Cauayan City, Isabela.
Nakilala ang biktima na si Rachelle Rico, 27 taong gulang, at residente ng barangay Buyon, Cauayan City.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginang Jocelyn Capinlac, nakasanayan na ng biktima na magising ng maaga upang magluto ng pang-almusal, magdilig ng mga halaman, maglinis at magpakain ng mga alagang hayop.
Pero, pasado alas 5:00 ngayong umaga, August 16, 2021 nagulat na lamang si Capinlac nang makita ang nakabitin na katawan ng biktima malapit sa kusina gamit ang isang lubid.
Sumigaw umano si Capinlac upang humingi ng tulong at sinubukang iligtas ang biktima subalit binawian na ito ng buhay.
Sa kasalukuyan, nasa morgue na ng isang ospital sa Lungsod ng Cauayan ang bangkay ng biktima at hinihintay na lamang ng mga awtoridad na mailipat sa ibang ospital ang bangkay nito para sa pagsasagawa ng post mortem examination.
Nagpapatuloy rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay sa pagpapakamatay ng biktima.
Ayon pa kay Ginang Capinlac, mahigit sampung taon na silang magkasama bilang kasambahay ng biktima at wala din siyang nakikitang palatandaan na mayroon itong problema na posibleng nag-udyok upang wakasan ang kanyang buhay.