Cauayan City, Isabela- Tuluyan ng naaresto ng mga otoridad ang isa sa mga suspek sa umano’y paulit-ulit na panggagahasa sa kanyang dalagitang pinsan sa Diadi, Nueva Vizcaya.
Nakilala ang akusado na si Barabas Guihom, 30-anyos, at residente ng Brgy. Ampakleng sa nasabing bayan.
Base sa report ng PNP Nueva Vizcaya, inaresto ang akusado matapos ipag-utos ni hukom Cicero Jandoc, Presiding Judge ng Regional Trial Court, Branch 29, Bayombong Nueva Vizcaya taong 2013 dahil sa paglabag sa RA 8353 in relation to RA 7610.
Sa pagsisiyasat ng mga otoridad, pitong (7) beses umanong ginawa ang panggagahasa sa 13-anyos na biktima.
Kaugnay nito, ilang suspek pa ang nasa likod umano ng panghahalay na kinilalang sina Rafael Kimmayong, ama ng biktima, Mark Joel Kimmayong at Michael Kimmayong, pawang mga nakatatandang kapatid ng dalagita na nagtatago pa rin sa batas.
Higit walong(8) taon na ang nakakaraan ng mangyari ang nasabing panghahalay sa menor de edad.
Umaasa naman ang mga otoridad na sa nangyaring pagdakip sa pinsan ng biktima ay makatutulong ito upang matukoy ang kinaroroonan ng iba pang sangkot sa panggagahasa.
Sa ngayon ay nasa kustodiya ng PNP Diadi ang suspek para sa kaukulang disposisyon.